OpenStreetMap logo OpenStreetMap

Ang kauna-unahan naming Maptime! session sa CWTS++ program

Posted by ronendoooo on 1 August 2018 in Tagalog. Last updated on 11 August 2018.

Noong ika-26 ng Hulyo, 2018 ay idinaos ang pinakaunang Maptime! session ng CWTS++ program ng MapAmore sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, San Juan branch na pinamunuan ng aming propesor na si Ginoong Erwin Olario. Ito ay isang event o seminar na nagaganap kada huling Huwebes ng buwan. Pinagsama ang AM at PM session sa kaganapang ito at mula rito ay nakasagap kami ng mga karagdagang kaalaman at impormasyong galing sa mga ekspertong mga mappers patungkol sa pagmamapa at sa pagtulong sa mga proyektong pang-humanitaryo na konektado din sa pagmamapa.

Kuha ni Ginoong Erwin Olario

Sinimulan ng aming propesor na si Ginoong Olario ang paunang pagbati at ang pagpapakilala sa mga bisita na magbabahagi sa amin ng kanilang mga kaalaman na ukol sa nabanggit na programa. Ang unang bisita na nagsalita ay si Ginoong Rally De Leon. Sinimulan niya ang kanyang pagtatalakay sa pagpapakilala ng kanyang sarili. Siya ay isa sa mga pinakaunang mappers ng OpenStreetMap (OSM) at kinahihiligan niya na rin talaga ang pagmamapa. Una niyang itinuro sa amin ang kanyang konsepto ng Kapitbahayan. Ang kapitbahayan para kay Ginoong De Leon ay limang minutong lakad ang lawak. Tinalakay din niya ang kakulangan ng ilang mga datos sa mapa tulad ng kaniyang halimbawa patungkol sa Sitio Malining na hanggang ngayon ay hindi pa rin namamapa kung saan. Mahalaga raw na kumpleto ang mga datos sa mapa para magkaroon ng pagkakakilanlan ang bawat lugar sa ating bansa at mapagplanuhan ng maigi ang lahat kung may mangyari mang mga sakuna. Ika nga niya, “Kung wala ka sa mapa, wala ka”. Hinikayat kami ni Ginoong Rally na makiisa at tumulong sa pagdagdag sa mga datos sa ating mapa upang mabawasan ang mga problemang ito at para na rin makatulong sa mga nangangailangan.

Si Ginoong Rally de Leon. Kuha ni Ginoong Erwin Olario

Pagkatapos magtalakay ni Ginoong De Leon, lahat kami ay nag break muna at nagsalu-salo sa pizza at inumin na inihanda ng mga bisita at ng aming propesor.

Sumunod nito ay nagpakilala ang pangalawang magsasalita na si Binibining Jen Alconis Ayco. Siya rin ay isang experienced mapper ngunit ang kanyang pokus ay ang pagmamapa na pumapatungkol sa ikatutulong ng mga adbokasiya tulad ng kaniyang itatalakay, ang Breastfeeding. Mayroong isang proyekto si Bb. Ayco na pinamagatang “Mapping for Advocacy, Breastfeeding Edition” na ang layunin ay gumawa ng mapa ng mga breastfeeding stations dito sa ating bansa. Makakatulong ito lalong lalo na sa mga nanay ng mga sanggol na minsan ay nahihirapang maghanap ng mga breastfeeding stations dahil nakakatanggap sila madalas ng diskriminasyon sa ibang tao kapag ginagawa nila ito sa mga pampublikong lugar. Tinapos niya ang kanyang pagtatalakay sa paghihikayat niya sa amin na maaari rin kaming magkaroon ng kontribusyon sa proyektong ito upang makatulong sa pagkumpleto ng mga ito at makatulong sa mga ilaw ng tahanan upang mas mapadali ang paghahanap ng mga breastfeeding stations.

Si Binibining Jen Alconis Ayco. Kuha ni Ginoong Erwin Olario.

Makaraa’y nagpakilala na ang huling tagapagsalita na si Ginoong R.K. Aranas. Siya ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Data Processing, Archiving, and Distribution team ng PHL-Microsat na siyang gumawa ng pinakaunang satellite ng Pilipinas, ang Diwata-1. Tinalakay niya ang patungkol sa grupong Maptime! Diliman na kanya ring sinasalihan ngayon. Ayon sa kanya, ang Maptime! Diliman ay isang open learning na grupo na tumutulong sa mga taong interesado at gustong matuto sa pagmamapa. Nakabase sila sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman branch. Hinikayat niya ang bawat isa sa amin na kung interesado kami, maaari kaming sumali sa grupong iyon. Sinisigurado nila na magiging masaya at makabuluhan ang mga session sa Maptime! Diliman sa pamamagitan ng mga iba’t ibang aktibidad tulad ng Informal Hack Night, Show and Tell, Tutorial Night, Hybrid event at Split events. Isa sa kanilang mga nagawa ay ang mga City Street Network Organizations ng Pilipinas na nagpapakita ng mga katangian at pagkakaayos ng mga kalye ng bawat siyudad dito sa ating bansa.

Si Ginoong R.K. Aranas. Kuha ni Ginoong Erwin Olario.

Talaga nga namang naging makabuluhan ang aming kauna-unahang Maptime! Manila session. Sobrang dami naming natutunan patungkol sa pagmamapa at nakakatuwa dahil nakuha pa namin sila sa mga ekspertong mga mappers na talaga nga namang nagbigay sa amin ng interes at mga karagdagang impormasyon upang mas maging masaya ang aming karanasan sa programang CWTS++. Nagpapasalamat kami sa aming propesor na si Ginoong Erwin Olario, sa MapAmore, at sa PUP San Juan Campus sa pagbibigay sa amin ng pagkakataon upang makilahok dito at kami ay nasasabik na makinig ulit sa mga susunod na Maptime! seminars.

360° na litrato ng mga estudyante ng CWTS++ kasama si Ginoong Rally de Leon, Ginoong R.K. Aranas, Binibining Jen Alconis Ayco, at ang aming propesor na si Ginoong Erwin Olario. Kuha ni Ginoong Rally de Leon.

Narito ang mga link na konektado sa entry na ito:

Patungkol sa programang CWTS++ - osm.wiki/Philippines/CWTSS++_Project

Website ng PUP San Juan: https://www.pup.edu.ph/sanjuan/

Presentasyon ni Binibining Ayco: https://github.com/mapamore/mapa-talk/blob/master/deck/cwts/maptimeManila_alconis_mapping_with_the_gender_lens.pdf

Presentasyon ni Ginoong de Leon: https://github.com/mapamore/mapa-talk/blob/master/deck/cwts/maptimeManila_2018-207_de_leon_kapitbahayan.pdf

Presentasyon ni Ginoong Aranas: https://docs.google.com/presentation/d/1UW2Xd4clafBcuXFI_-cY5nzXsVF5lGOoWbg98Z1CApU/edit#slide=id.p1

Email icon Bluesky Icon Facebook Icon LinkedIn Icon Mastodon Icon Telegram Icon X Icon

Discussion

Comment from avarshal on 2 August 2018 at 04:49

Mabuhay!

Comment from arnalielsewhere on 3 August 2018 at 09:07

Astig! Maraming salamat sa pagbabahagi ng iyong karanasan at pagsusulat nito sa wikang Pilipino. :)

Log in to leave a comment